MGA BATANG BADJAO NG TAYTAY.

Boom-badoom-boom-badoom…

Boom-boom-badoom-badoom….

Boom-badoom-boom-badoom…

Yan ang naririnig kong mga ungol mula sa tambol na lata ng batang Badjao, habang ang isa niyang kasama ay nag aabot ng mga sobre sa mga pasaherong walang kibo ng jeep.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit sila tinawag na mga batang Badjao. Narinig ko lang yun sa kaibigan ko habang nasa biyahe kami papuntang eskwelahan namin.

Kalimitan kong nakikita na tatlo o dalawa ang samahan ng mga ito. Habang ang isa ay tumutugtog, minsan may kasamang pagkanta at kung minsan naman ay wala, ang kanya namang kasama ay  nag aabot ng sobre sa mga nakasakay sa jeep.

Mayroong mga pasahero na nahahabag sa mga batang ito at nilalagyan ng barya ang mga sobre. Pero mas marami ang mga taong hindi nilalagyan ang mga ito. Isa na ako dun sa mga yun. Bakit? Dahil hindi ko alam kung saan nila ginagamit ang perang nakukuha nila. Paano kung ginagamit lang nila yun pang rugby o kaya droga? O di kaya’y sila mismo, ginagamit lamang ng mga makasariling sindikato para lang lalong magpayaman? Kaya ni singkong butas, wala akong naibibigay sa mga batang ito. Sa halip, ang binibigay ko sa kanila ay pagkain. Kasi kahit papaano, alam ko na sila mismo ang kakain nun. Kapag pupunta ako ng pabiyahe sa eskwelahan naming ay hindi ko nakakaligtaang magdala ng crackers. Dahil kahit papaano, sa ganun ay kampante ako na sa tama nila gagamitin yun.

Minsan rin ay napapaisip ako. Nasaan ang mga magulang ng mga batang ito? May alam ba sila sa ginagawa ng kanilang mga anak? Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa ulo ng mga magulang nila at pinabayaan nila ang kanilang mga anak. O baka naman wala na ang mga magulang nila at iba ang mayroong responsibilidad sa mga batang ito? Ano pa man ang dahilan, Hindi ko maisip kung paano nakakaya ng ibang nakatatanda ang gawin ang ganitong klaseng mga bagay sa isang bata.

SInasabi na ang kabataan ang pag-asa ng Bayan. Ngunit tatanungin kita, paano magiging pag-asa ng bayaan ang kabataan kung hindi naman sila ginagabyan ng tama ng mga nakakatanda, at pinababayaan na mabuhay sa sarili nilang pamamaraan at makipagsapalaran sa lansangan?

» posted May 25. 21 notes.
21 notes
  1. lightofbenefits reblogged this from hisanonymousfeelings
  2. nocturnal--ass reblogged this from escafeism
  3. otakuscradle reblogged this from escafeism
  4. escafeism reblogged this from hisanonymousfeelings
  5. hisanonymousfeelings posted this